Katiyakang Hindi Tiyak
Image source: http://goo.gl/gna2sM
Sa pagwawakas ng serye ng state visit ng pangulo ng Estados Unidos na si Barrack Obama sa mga kaalyadong bansa sa Asya, pinaalalahanan nito ang gobyerno ng Tsina na ayusin na sa lalong madaling panahon ang anumang sigalot nito sa pagitan ng pamahalaan ng Pilipinas at sa iba pang karatig na bansa na kaanib nito.
“We believe that nations and people have the right to live in security and peace, to have their sovereignty and territorial integrity respected.” Ang mga katagang ito ang sinabi ni Obama sa isang bahagi ng kanyang talumpati. Sa kanyang talumpati, nais tukuyin ni Obama ang pag-angkin ng Tsina sa malaking bahagi ng South China Sea na bahagi ng teritoryo ng karatig nilang bansa, at pinaniniwalaang sagana sa langis, gasolina at likas- yaman.
Hindi lingid sa ating kaalaman na ang Pilipinas ay isa sa mga bansang nagtataglay ng pinakamahinang pwersa militar sa Asya. Dahil sa ganitong klase ng sitwasyon, makailang-ulit na lumapit ang gobyerno ng Pilipinas sa Estados Unidos na siyang pinakamalakas at pinakamatagal na nitong alyansa, upang humingi ng tulong laban sa tumitinding pwersa ng Tsina sa pinag-aagawang teritoryo.
Naging tugon naman sa pagsusumamo ng Pilipinas ang naganap nga na pagbisita ni Obama sa bansa noong ika- 28 ng Abril, araw ng Lunes. Sa araw ding iyon ay nilagdaan ng dalawang bansa ang isang kasunduan na magbibigay karapatan sa Estados Unidos na magpadala ng mas malakas na pwersa militar sa mga base ng Pilipinas. Sa araw ng Martes naman, huling araw ni Obama sa bansa, muli niyangtiniyak ang pagdepensa sa Pilipinas sa anumang pag-atake na naayon naman sa 1951 Mutual Defence Treaty sa pagitan ng dalawang magkaalyadong bansa. Gayunpaman, hindi tahasang binanggit ni Obama sa kanyang talumpati na susuportahan ang Pilipinas sa kung ano mang alitan na maaaring maganap sa pinag-aagawang bahagi ng South China Sea.
Ayon sa mga ulat, ang bisa ng tinukoy ni Obama na 1951 Mutual Defence Treaty ay napapaloob lamang sa anumang sigalot at pag-atake sa mga tiyak na teritoryo ng magkaalyadong bansa at sa karagatang sakop ng Pasipiko. Ang ipinaglalabang teritoryo ng Pilipinas sa Tsina ay sadyang napakalayo sa karagatang Pasipiko, kaya naman nagsimula ang mga pagdududa at ispekulasiyon na maaaring walang katiyakan ang suporta ng gobyerno ng Amerika sa labang ito. Sinabi rin ni Senador Antonio Trillanes na ngayon ay malinaw na sa pamahalaan na hindi pihado na sasamahan ng tropa ng mga sundalong Amerikano anghukbong sandatahan ng Pilipinas sa anumang mangyayari dahil sa posibleng paglala ng sigalot sa pinag-aagawang bahagi ng South China Sea.
Kung susumahin, sadyang maghahatid nga naman ng kalituhan sa isip ng bawat isa ang mga pahayag ni Pangulong Obama. Nagpahiwatig siya ng isang katiyakang hindi tiyak- Teka, nakakalito hindi ba? Nag-iwan siya sa atin ng “benefit of the doubt”, na wari’y sinasabing tayo na ang bahalang mag-isip at tayo na ang bahalang humusga kung saan nga ba lulugar ang Amerika sa hidwaang ito sa pagitan ng Tsina at Pilipinas. Subalit, bakit nga kaya hindi tahasang masabi o maipahiwatig ni Obama ang suporta sa Pilipinas kahit na malaon nang nagbigkis ang pwersa ng dalawang bansang ito?
Bilang isang estado na may sariling interes na pinangangalagaan, magsisilbi ring isang malaking balakid sa parte ng Amerika kung tuluyan nilang kakalabanin ang Tsina. Hindi maitatatwa na ang Tsina ay isa sa mga pinaka-makapangyarihan at maimpluwensiyang bansa hindi lamang sa Asya, kundi pati na rin sa buong mundo. Sa larangan ng ekonomiya, ang Tsina ay itinuturing na isa sa mga pinakamalaking kapitalista, kitang-kita naman siguro iyan sa mga produktong kinahuhumalingan ng mga Pilipino dahil sa abot- kayang halaga ng mga ito. Siguro nga ay wala ni isang Pilipino ang hindi nagmamay-ari ng maski isang kagamitan o produktong mayroong nakatatak na “Made in China.” Kung pag-uusapan naman ang pwersa militar ng bansang ito, aba’y kukuwestiyunin pa nga ba natin? Halos lahat ng karatig-bansa sa Asya ay nagsimula na ng iringan laban sa kanila, subalit magpa-hanggang sa ngayon ay nananatili pa ring matatag na nakatayo ang hukbo ng Tsina.
Kung tuluyang mabubuo ang hidwaan sa pagitan ng Amerika at ng Tsina, hindi lang naman ang dalawang bansang ito ang magkakaroon ng dagok sa aspetong moral, politikal, at ekonomikal, kundi marahil ang buong mundo. Sa aminin man natin o sa hindi, ang Pilipinas ay isang malaking halimbawa sa isang bansang kumakapitsa kapangyarihan ng Amerika at Tsina. Nakadepende sa dalawang bansang ito ang paglago at pagbagsak ng ating ekonomiya sapagkat karamihan ng mga negosyante sa ating bansa ay mga mamumuhunan na nagmula sa kanila. Marahil ang nararapat sa ngayon ay isipin muna natin ang mga bagay na siguradong nariyan. Ang pakikipaglaban para sa ating karapatan sa mga yaman sa itinuturing nating teritoryo ang kailangang bigyan ng sapat na pansin ng ating pamahalaan, perohuwag nating obligahin ang Estados Unidos na protektahan ang ating bansa sa labang ito, sapagkat gaya natin, bilang estado, ang Amerika ay mayroong nga ring sariling interes na iniingatan. Ang karampatang aksyon ng matamang awtoridad ang siyang nakatakdang lulutas sa suliraning bumabalakid sa pag-unlad at kaayusan ng sana ay nagkakaisang mga bansa.

