Punyal – KURIS Litfest 2015
Binagtas, kinapa, hinanapan ng butas
At tinarakan nang paulit-ulit
Binilang ang bawat butas
Kung saan umagas ang naglalawang dugo
At tinarakang muli
Nilagok ang dugo, ininom at sinipsip ang bawat patak,
Kinain ang bawat pirasong laman
Uhaw na uhaw
Gutom na gutom
Hiniwa, binuklat, sinisid ang kailaliman ng lawa
Nalunod sa dugong
Sumisigaw ng katarungan
Pinatahimik ang bawat sigaw
Tinarakan ang isa
At ang isa
At ang isa pa
Hanggang ang sigaw ay nauwi
Sa nagsusumamong bulong
Humalakhak at hinipo
Ang punyal na basa at may bahid ng dugo
Hinimod maging ang talim
At saka humalakhak muli
Bumuntong hininga sa hangin at
Paulit-ulit na sinabing
“Ako’y uhaw
Bigyan ninyo ako ng maiinom.”

