Bagong Taon sa Ibang Bansa
Illustration by Shari Llamis
Kay bilis talaga ng panahon. Ilang araw na lang ay magpapaalam na tayo sa taong 2015. Malamang kaliwa’t kanan na naman ang mga salu-salo at ang mga kakaibang gimik sa pagsalubong ng bagong taon. Dito sa atin — sa Pilipinas — bidang-bida ang mga maiingay na paputok at torotot na ika nga’y nagtataboy ng kamalasan. Tuwing media noche nariyan dapat sa hapag kainan ang mga mabibilog na prutas na kumakatawan sa labindalawang buwan ng taon dahil ito ay kahugis ng barya na sumisimbolo ng kasaganaan at suwerte sa buhay. Pinagsasaluhan ito ng mga mag-anak. Gayundin, ang mga malalagkit na kakanin na pinaniniwalaang nagpapadikit ng suwerte sa bawat taong kumakain nito. Hinidi rin mawawala ang mga makukulay na polka dots print na mga kasuotan na isa ring pampaswerte. Para naman sa mga gustong swertehen sa pera, ang kaugaliang pagkakalat ng mga barya sa paligid ng bahay habang nakabukas ang mga pinto, bintana at mga cabinet ay malamang numero uno sa listahan. At ang tradisyonal na pagtalon ng labindalawang beses pagsapit ng alas-dose ng bagong taon ay magpasahanggang ngayon ginagawa pa rin ng mga bata at ng mga pusong bata. Iilan lamang ito sa mga napakaraming tradisyon at kustombreng isinasagawa ng mga Pilipino sa pagsalubong ng bagong taon.
Ngunit hindi lang tayo mga Pilipino ang may mga pa-polka dots at paramihan ng mabibilog na mga bagay para sumwerte. Kahit sa ibang dako ng mundo ay may kanya-kanyang tradisyon at mga ritwal din na tinutupad para salubungin ang bagong taon. Karamihan sa mga ito ay masasabi nating sadyang kakaiba talaga.
Simulan natin sa Asya: sa Tsina kung saan ipinagdiriwang ang bagong taon base sa kalendaryong lunar. Ang araw na ito ay tinaguriang pinakamahabang araw ng pahinga ng mga Tsino. Ang pamosong dragon dance at ang pagpapaputok ng fireworks ay isa sa mga tradisyonal nilang ginagawa. Nagbibigay din sila ng pulang sobre na may lamang pera para sa mga bata at mga matatanda lamang. Bukod pa nito, may mga pagkain silang inihahanda para magbigay suwerte at pera sa buong taon kagaya ng isda, Chinese dumplings, mga malalagkit na pagkain at sweet rice balls. Sa Japan naman, isang araw bago ang bagong taon ay nakaugalian na nilang kumain ng soba buckwheat noodles upang mas humaba pa ang kanilang buhay. Dapat iwasan ng kumain ng soba kapag nakaraan na ang hatinggabi ng Disyembre 30 dahil ito’y nagdudulot ng kamalasan. Tradisyon na rin sa kanila ang pagsuot ng mga kasuotan ayon sa zodiac animal ng bagong taon.
Sa gitnang silangang Asya, usong-uso sa Turkey ang tradisyonal na pagsusuot ng pulang panty sa bagong taon. Itong mga mapupulang damit panloob ay madalas pinagpipiyestahan at nagkakaubusan kapag nalalapit na ang bagong taon. Talagang namumukod tangi ang kasanayang ito.
Humayo tayo sa Europa. Mapapakain tayo ng pitong beses sa Estonia dahil naniniwala sila na sa pagkain ng pitong beses sa unang araw ng bagong taon, magiging mas sasagana ang buhay sa taong iyon. Kung sa Estonia ay mas pinahahalagahan nila ang pagkain para sa kasaganaan, ang taga-Ireland ay binabato nila ng mga tinapay ang mga dingding upang itaboy ang mga masasamang espirito. Sa Switzerland, ipinagdidiriwang nila ang kanilang bagong taon sa paghulog ng sorbetes sa sahig. (Sayang naman, sana kinain nalang!)
Tangi sa riyan, ang mga magsasaka sa Romania at Belgium ay may ritwal na ginagawa upang marinig ang kanilang mga hayop na nagsasalita. Kapag sila’y nagtagumpay, nangangahulugan na susuwertehin sila sa buong taon, subalit kung hindi naman ay mamalasin sila. Nagdadamit–oso rin ang mga Romanian at sumasayaw sa mga bahay-bahay para sanngahin ang mga masasamang elemento.
Dito naman sa Timog Amerika, nakasalalay ang iyong kapalaran sa isang itlog. Sa El Salvador, isang oras bago maghatinggabi ng bagong taon ay magbabasag sila ng itog sa isang baso ng tubig. Hinahayaan nila ito mag-iba ng hugis hanggang sa umaga ng bagong taon. Tsaka pa iinterpretahin ang hugis at kahulugang dulot nito sa buong taon.
Habang ang buong mundo ay nagsasaya sa mga bahay nila sa bagong taon, ang mga taga Talca, Chile ay mas gustong magdiwang ng kanilang bagong taon sa sementeryo kasama ang kanilang namayapang kamag-anak. Dito nila binubuhos ang kanilang oras hanggang sumapit ang unang araw ng taon.
Sa mga may hiling na maglakbay sa susunod na taon, sa Colombia, binubuhat nila ang kani-kanilang maleta sa lansangan upang ito’y matupad. Sa Brazil, Ecuador at Venezuela naman, pampasuwerte sa kanila ang pagsuot ng makukulay na damit panloob. Popular na kulay ang pula dahil ito ay nagdadala ng panibagong pag-ibig at dilaw naman para suwertehin sa pera.
Tumungo tayo sa Africa. Sa paniniwalang kailangan magsimula ng bago at mas preskong taon ang taga-Johannesburg sa South Africa ay nagtatapon ng lumang kasangkapan mula sa bintana ng kanilang bahay. Ginagawa nila taon-taon.
Talaga namang kakaiba ang mga kinagisnang tradisyon at kultura ng ibang bansa sa pagsalubong ng bagong taon. Ilan sa mga ito ay nagkakatulad pa. Iba naman ay sadyang di pangkaraniwan. Subalit, ang mayorya ay nagpapahiwatid ng iisang mithiin sa buhay. Iyon ay ang pag-unlad. Sino namang taong hindi gustong umangat sa buhay? Halos lahat ng tao gustong yumaman, suwertehin. Kaya marami pa rin ang naniniwala sa mga tradisyong ito. Pero, aasa lang ba talaga tayo sa mga tradisyong ito para makamit ang gusto natin sa buhay? Hihinto na ba tayo sa paglutas ng ating suliranin?

