Huwarang Bayani; Andres Bonifacio
Minsan may isang rebolusyonaryong Pilipino na nagwika tungkol sa pagmamahal sa bayan bilang pinaka-dakilang uring pag-ibig na kanyang isinulat sa isang tula:
“Aling pag-ibig pa ang hihigit kaya
Sa pagka-dalisay at pagka-dakila
Gaya ng pag-ibig sa tinubuang lupa?
Aling pag-ibig pa? Wala na nga, wala na.”
Ang mga katagang ito ay nagmula kay Gat Andrés Bonifacio y de Castro, ang tinaguriang Supremo ng Kataas-taasan, Kagalang-galangang Katipunan ng mga Anak ng Bayan (KKK), Amang Himagsikang Pilipino, at Ang Dakilang Maralita.
Kada ika tatlumpo ng Nobyembre, ginugunita nating mga Pilipino ang araw ng kapanganakan ng Supremo ng Katipunan bilang Araw ni Bonifacio. Ngayong taon ay ipinagdidiriwang natin ang ika-150 na taon ni Bonifacio.
Sa panahong ito, makalipas ng maraming taon mula nang isinakripisyo ni Bonifacio at ng mga magigiting na rebolusyonaryo ang kanilang dugo’t buhay upang makamit ang kasarinlan ng Pilipinas mula sa pananakop ng Espanya, may halaga pa ba sa ating mga makabagong kabataang Pilipino ang paggunita kay Bonifacio, sa KKK, at sa kasaysayan ng himagsikan sa ating bayan?
Ang kahalagahang ito ang nais ipadama at ipaalam ng CARSAS sa pagpupulong kamakailan nang ika dalawampu’t siyam ng Nobyembre na ginanap sa CAS AVR. Bahagi ito ng pagdiriwang sa buwan ng Nobyembre bilang “Nationalist Consciousness Month”. Ang nasabing pagpupulong ay dinaluhan ng mga estudyante, ng mga mag-aaral sa Department of Anthropology, Sociology, and History o DASH.
Ilan sa mga pinag-usapan sa pagpupulong na ito ay ang buhay ni Gat Andres Bonifacio at ang kahalagahan niya bilang isang huwarang lider at Pilipino upang tularan ng mga kabataan.
Si Ka Andres ay ipananganak noong ika-30 ng Nobyembre, 1863 sa Tondo, Maynila. Anak siya nina Santiago Bonifacio at Catalina de Castro, at panganay sa limang magkakapatid.
Naulila sina Andres at ang kanyang mga kapatid noong labing-apat na taon pa siya. Napatigil siya sa pag-aaral at napilitang magtrabaho. Gumawa at nagtinda sila ng magkakapatid ng rattan at pamaypay na gawa sa papel de hapon. Nagpalipat-lipat din siya sai ba’t-ibang kumpanya upang magtrabaho bilang ahente at bodeguero.
Bagama’t hindi nakapagpatuloy ng pag-aaral, pinunan niya ang pagkukulang ito sa pamamagitan ng kanyang hilig sa pagbabasa. Ilan sa mga nabasa niya ay ang Les Miserables ni Victor Hugo, mga aklat tungkol sa rebolusyon sa Pransya, at ang Noli Me Tangere at El Filibusterismo ni Jose Rizal. Mahilig din siyang mag sulat tungkol sa karapatang pantao at kalayaan para sa bayan.
Nang siya ay 29 taong gulang, ay napabilang si Andres sa La Liga Filipina, isang organisasyong naglalayon ng mga repormang politikal sa gobyernong bansa na pinanghahawakan ng Espanya. Ngunit, nang dinakip si Jose Rizal at pinatapon sa Dapitan ay nahati ang mga kasaping organisasyon sa dalawang pangkat – ang Cuerpo de Compromisores na mas conserbatibo at naniniwala sa mapayapang reporma; at ang Katipunan, na mas radikal at nagsusulong ng armadong rebolusyon upang makamit ang tunay na kasarinlan ng Pilipinas.
Noong ika pito ng Hulyo, taong 1892 ay itinatag nina Andres Bonifacio kasama sina Teodoro Plata, Ladislao Diwa, at iba pang mga Pilipinong nagkimkim ng galit sa mga Kastila ang KKK. Napabilang din dito si Emilio Jacinto na lumikha sa Kartilya, kung saan napapaloob ang mga doktrina at paniniwalang sikretong masoneryang organisasyon.
Noong 1895, si Bonifacio ay itinanghal bilang Supremo ng Katipunan. Sa ilalim ng kanyang pamumuno ay naglunsad ang Katipunan ng mga pagsalakay laban sa mga Kastila. Kalaunan ay nagsunod-sunod na ang mga pagsalakay ng iba pang grupong lumalaban sa Kastila sa iba’t-ibang lugar sa Pilipinas.
Ngunit nadiskaril ang mga tagumpay ng mga rebolusyonaryo nang itinaksil ni Emilio Aguinaldo at ng mga taga suporta niya sina Andres at nang nakipag negosasyon sa siya sa mga bagong mananakop; ang mga Amerikano. Kalaunan ay ipinapatay ni Aguinaldo si Andres Bonifacio at ang kanyang kapatid na si Procopio
Ipinaglaban ni Bonifacio kasama ang mga Katipunero ang inaasam-asam na kalayaan ng Pilipinas mula sa dayuhang mananakop kahit magbuwis man sila ng kanilang buhay. Sa panahon ngayon, kung saan laganap parin ang imperyalismo, burukratang kapitalismo at pyudalismo, hahayaan nalang ba nating masayang kung ano ang sinimulan ng ating mga bayani?

