Over the Rainbow: Ang Forever ni Tony
Illustration by Zachary Borromeo
Magandang araw sa inyo! Ako nga pala si Antonio, pero mas kilala ako sa pangalang “Tony” ng mga kaibigan ko. Kaaya-aya ngang pakinggan ang bansag nila sakin pero lingid pa rin sa kaalaman ng pamilya ko ang pagpapantasya kong maging “Antonette”. Oo, bakla ako. Beki, bading, jokla, bayot at kung ano-ano pang tawag ng karamihan sa amin. I-ilan lang naman iyan sa mga pangungutya at pang-aapi ng mga tinaguriang moral na miyembro ng lipunan. Maliban pa dyan, may mas malaki akong kinakaharap na krisis ngayon. Kung maaari lamang humingi ng payo sa mga makakabasa nito sa Today’s Carolinian, kung papansinin sana nila ang hina-ing ko na ito, saan ba ‘ko magsisimula? Ganito kase, may Facebook account na si pudrakels tapos napatanong siya kaninang hapunan patungkol sa larawan na nakita niya. Kasali ba raw ako sa liga ng mga macho papa na basketbolista? Nako ‘Tay! Ako ang cheerleader!
Likas raw sa akin ang magpatawa, ika ng mga matalik kong kaibigan. Bagama’t karamihan ng malapit sa akin ay babae o babae rin ang puso, mayroon rin naman akong mga kaibigang lalaki. Pwera malisya, naging kaibigan ko sila dahil tanggap nila ako bilang ako sa paraang gusto ko. Naniniwala rin naman ako na basta’t wala akong tinatapakan na tao at malinis ang aking intension. Wala namang masama sa pagiging parte ng ikatlong kasarian. Marahil di kanais-nais ang itago ito sa pamilya o maging sa kaibigan natin, pero hindi pa rin nating magawang umamin at magpakatotoo sa harap nila. Lakas loob ko itong naipunto ngayon subalit wala paring kasiguraduhan ang pagpapakita ko sa aking tunay na kulay sa bandang huli ng araw na ito. Bakit nga ba mahirap? Bakit kailangang magpakatotoo? Bakit nga ba mahal kita kahit na may mahal kanang iba? Ba’t baliw na baliw ako sa ‘yo?.
Bukod sa sandamukal na kahihiyan gaya ng pangungutya na kinakain ko sa pananghalian, malamang ang tagos-batok na panghuhusga mula sa mga mata ng magulang, kapatid at kamag-anak ko ang mas mahirap isiping nguya-in at lunukin kaya nakatakip parati ang bibig ko. ‘Yung titig pa lamang nila, parang itatakwil ka na. Handa mo nang tanggapin ang hagupit ng sinturon ni Antonio Sr. at ipagpilitan sa iyo na barako ka subalit para sa iyo kape lang ang alam mong pwedeng maging “barako”. Sa kabilang banda naman, nagdadasal ka na matatanggap ka nila ng taos-puso at walang pag-aalinlangan. Sumasaibabaw nga lamang ang takot na mahusgahan kaysa sa pag-asang maunawaan.
Sa mapanghusgang lipunan na ito, sino ba naman ang magkakaroon ng lakas ng loob, bakla man o hindi, lalaki man o babae, na ipakita ang tunay na sarili? Kailan at paano naging basehan ang kasarian ng isang tao sa pagiging produktibong miyembro nito sa isang komunidad? Bukod sa di matapos-tapos na batikos mula sa simbahan, anu-ano pang di makatarungan na pagpapatunay na imoral ang pagkakaroon ng ugnayan o ang mismong pagiging bakla? Tomboy? Butiki? Baboy?
Sa dinami-rami ng mas dapat problemahin ng mga tao ngayon lalo na sa Pilipinas, itinuturing pa ring epidemya ang pagpapasyang maging “Antonia” o “Josefina”. Kumbaga ginawa nang kultura ang pagkamuhi sa amin. Mayroon naman tayong kanya-kanyang karapatan at hindi ito limitado sa pisikal na aspeto lamang. Malaya tayong pumili ng sekswalidad na angkop sa ating pagkatao at pangangatwiran. Siguro nga kaya tayo napag-iiwanan ng ibang bansa dahil sa ang kitid ng utak ng karamihan sa atin, at naniniwala pa rin tayo na ang nakasanayan ay ang parating tama. Wala namang maipatupad na makabuluhang batas para sa mga manggagawa, para sa mga nabibilang sa ikatlong kasarian pa kaya? Nasaan na ang pantay-pantay na karapatan? Karapatang sumaya? Karapatang umibig ng walang limitasyon? Karapatang magkaroon ng forever? Karapatang magkaroon ng sariling Xander? Haynako Agnes ang chaka mo! Walang forever!
Magta-tatlong taon nako sa USC pero hindi parin ako ganon kagaling magbisaya. Hirap na nga akong magbisaya, mahirap pa ‘tong kursong pinasukan ko, tataas pa ‘tong matrikula ulit sa darating na pasukan. Sapat lang ang sweldo ng mga magulang namin para tustusan ang aming pangangailan magkapatid kaya mataas ang pangarap nila para sa akin. Bilang panganay, marami-rami ring obligasyon at responsibilidad ang nakalaan sa akin. Sasabayan pa ‘to ng hirap sa komunikasyon, kurso, pangmatrikula at kalakip na parusa ng isang beki na minu-minuto ang pag-iingat sa kilos at pagsasalita pag nasa bahay o hapag-kainan kasama ang pamilya. Gabi-gabi, panibagong sequel ng Mission Impossible. Hindi lang baon at latay sa katawan ang nakataya, pati dignidad at tiwala sa sarili.
Baliw man na iisipin, naniniwala rin ako na ang katotohanan lang makakapagpalaya sa atin (chos). Sapagkat sa kabila ng pagiging bakla ko, pagkatapos na maaaring bugbog at kutya na mararanasan ko mula sa pamilya ko at sa mga taong malapit sa akin, alam kong ako pa rin ang magpapasya sa huli para sa sarili kong kaligayahan. Matanggap man nila ako o hindi, sa ganitong paraan ko lamang malalaman kung sino ang talagang nariyan para sa akin. Alam kong hindi matutumbasan ang sakripisyo ng mga magulang ko kaya’t habangbuhay kong itatanaw na utang na loob ang kinatatayuan at papupuntahan ko sa darating na panahon. Mapagbibigyan lamang ng pagkakataon, papatunayan ko ang silbi ko sa lipunan, higit pa sa mga “lalakeng” nakatambay at naglalasing lang ‘dyan sa may kanto. Ika nga ni Gloc9 sa kanta nyang “Sirena”: “Hindi nasusukat ang pagkalalake sa bigote sa mukha dahil minsan mas lalake pa sa lalake ang bakla.”
Hipokrito na kung tawagin, hindi niyo ako masisisi kung hindi ko magawang magpakatotoo sa aking pamilya ngayong araw na ‘to, o bukas, o sa makalawa, o sa mga susunod pa na araw. Karamihan sa atin oras lang ang hinihintay, tiyempo kumbaga. Nag-aantay sa tamang panahon at tamang paraan ng pag-amin sa tunay na kasarian. Hindi ko rin naman kase ginusto ‘to. Hindi ko piniling maging ganito at alam kong hindi rin to ginusto ng pamilya ko. Sino ba namang magulang ang hihiling na ang sanggol sa sinapupunan ay magiging bakla paglaki nito? Wala naman ‘diba?

