Sa Likod ng Kamera at Mesa
Image source: http://goo.gl/TZuRgI
Sa pagpili ng karera, ang agham at sining ay hindi karaniwang magkasundo. Ang ilang mga trabaho ay umaasa sa pagkamalikhain, habang ang iba naman ay umaasa sa mga pang-agham na kapamaraanan. Kalimitan, maaari ka lamang pumili ng isa sa dalawang magkasalungat na aspeto. Pero habang tayo ay umuusad, nakahanap tayo ng paraan upang ipagtambal ang dalawa. Kapag pinag-uusapan ang mga “science teachers” o mga guro sa pang-agham na asignatura, ang una nating maiisip ay siya’y nakaupo sa sulok ng isang silid, nagwawasto ng pasulit, o gumagawa ng panibagong lesson plan.
Ngunit nakahanap ng paraan si G. Joel Rivera Locaylocay upang mabalanse ang kanyang trabaho bilang isang guro sa isang asignaturang pang- agham at pagkamalikhain sa pamamagitan ng pagkuha ng mga larawan.
Si Locaylocay ay isang litratista, rehistradong kimiko, at kasalukuyang guro ng University of San Carlos. Siya ay nagtapos ng akademikong programang B.S. Chemistry noong 1999. Nang matapos niyang makuha ang kanyang digri sa Chemistry, nagpasya siyang magturo sa nasabing pamantasan dahil para sa kanya, ang kanyang personalidad at ang kanyang kasanayan ay angkop sa pagtuturo. Kahit ang pagtuturo ay nakakapagod bilang propesyon, ito naman ay nagbigay-daan para sa isang mas produktibong paluntuntunan sa kanyang mga gawain, ayon din sa kanya. Ang kanyang ina na si Joy Locaylocay, isang kilalang guro rin sa pamantasan, ang nagpursugi sa kanyang desisyon at layunin sa buhay. Ayon sa mga naging mag- aaral niya, bilang isang guro, siya ay mahiyain at mahinhin sa klase, pero kahit ganoon siya kumilos ay marunong naman siyang umitindi at makinig sa mga sinasabi ng kanyang mga estudyante.
Tulad ng mga ibang litratista, si Locaylocay ay nagka-interesado sa potograpiya ng nakuha niya ang kanyang unang kamera. Mula roon, siya ay nagkainteresado sa pagkuha ng mga larawan. Bumili siya ng Digital single-lens reflex camera (DSLR) para sa kanyang sarili at doon niya napag-isipan na magpursige sa pag-aaral ng potograpiya.
Hindi sa kalaunan, nawalan siya ng interes sa pagkuha ng litrato at nagpasyang tumigil sa gawaing ito. Nang tinanong kung bakit nawalan siya ng interes, ito ang naging sagot niya, “I suppose when you jump into something without really knowing first why you’re doing it; you lose interest after a while.”
Pero noong 2009, nang nagsaliksik siya sa internet, ay natuklasan niya ang “off-camera flash”, ang paraan ng paggamit ng flash na hindi kinakabit sa kamera, sa isang blog na tinatawag na Strobist sa Blogspot. Sabi niya na ito daw ang naging instrumento upang manumbalik ang kanyang pagtugis sa larangan ng potograpiya. Dito rin niya natuklasan na nais niyang gamitin ang mga natutunan niyang mga pamamaraan sa pagkuha ng larawan. Ito rin daw ang dahilan kung bakit karamihan sa kanyang mga kinikuha na mga larawan ay ginagamitan ng flash. Sa kanyang pagkasabik para magpatuloy at mailapat ang mga natutunan niya sa potograpiya ay bumili siya nglightning kit (flash, light stand, radio trigger). Dahil siya ay bago lamang sa kanyang kinagigiliwang libangan, at gumagamit sa limitadong badyet, pinipili niya ang kanyang mga enggranahe nang mabuti.
Pagkatapos ng mga intensibong preparasyon, nagsimula na siyang gumawa ng mga pangkonseptong “photoshoot” na nagmula sa kanyang imahinasyon. Kadalasan, ang mga kinukunan niya ng mga litrato ay ang kanyang mga estudyante, mga kaibigan o miyembro ng pakultad sa kanyang kagawaran. Sinubukan din niya na sumali sa iba’t-ibang timpalak sa potograpiya. Nang nalaman ng kanyang mga kasamahan ang tungkol sa kanyang libangan, sinubukan nilang banggitin sa kanilang mga kaibigian ang tungkol sa kanya. Dahil dito, may iba na tumawag sa kanya para magpakuha ng mga litrato ng kanilang mga anak, pamilya at iba pa. Siya rin ay nakapagbenta ng mga kopya ng kanyang mga larawan para sa isang “art and furniture bazaar”. Para sa isang baguhan sa potograpiya, hindi naging masama ang simula ng kanyang takbo sa karera.
Kapag kumukuha siya ng litrato ng isang tao, nais niya na ito ang maging natatanging sipat ng imahe. Sa kanyang larawan, gusto niyang ibahagi sa kanyang mga tagapagmasid ang kanyang pananaw sa tao. Gusto rin niya na magkaroon ng epekto ang kanyang mga larawan sa manonood. Inaasahan niya na magkaroon ito ng emosyonal na tugon sa mga ito. Sinabi rin niya na mahalaga para sa kanya na ang kanyang kinukunan maging totoo sa sarili. Gusto niya na kapag titingnan muli ang kanyang mga larawan, ay makikita sana ang mensaheng nakakakubli mula sa mga ito.
Isa sa kanyang takot bilang isang litratista ay baka mawalan siya ng creativity o ang kanyang pagkamalikhain, at baka sa bandang huli ay mawalan siya ng gana sa pagkuha ng mga larawan. Upang maiwasan niya ang mga ganitong klase ng mentalidad, hinahamon niya ang kanyang sarili sa mga bagay na hindi pa niya nagawa noon. Sinusubukan niyang humanap ng inspirasyon sa mga gawa ng kahit kanino mang mga bantog na mga litratista tulad nina, Joe McNally, Gregory Heisler at Jeremy Cowart. Kumukuha rin siya ng inspirasyon mula sa mga artmasterpieces, panonood ng mga pelikula, pakikinig sa musika at pagmasid sa kalikasan.
Sa ngayon, ginagawa niya ang isang proyekto na pinamagatan niyang “UnDifferent.” Ito ay isang personal na proyekto kung saan ang mag-aaral ay nagbibigay sa kanya ng tatlong bagay na sa tingin nila ay nagpapatangi nila sa iba. Ang layunin ng proyekto ay makapaglikha ng larawan kung saan makikita ang personalidad ng mag-aaral. Nakuha daw niya ang inspirasyon sa Periodic Table of Elements na sinabi niya na isang bagay na hindi maiiwasan sa isang kimiko. Ang proyektong ito ay malapit sa kanyang puso dahil sa paraan ng pag-uusap, unti unting nababawasan ang kanyang pagkamahiyain at pagkatahimik.
Nang tinanong siya kung ano ang maipapayo niya sa mga gustong maging litratista, ito ang naging sagot niya- “My advice to anyone who would want to pursue photography is to first discern what you would want to photograph before you even get your first camera. This will help you define your identity as a photographer later on. I believe there is no singular definition for what a photographer is or should be. You must reveal the world as you perceive it through your own lens and not through someone else’s.”
Sa mga interesadong tingnan ang kanyang mga gawain, maaring bisitahin ang kanyang Facebook page:https://www.facebook.com/JRLocaylocayPhoto?ref=br_tfo maari ring bisitahin ang kanyang blog:http://jrlocaylocayphoto.wordpress.com

