Babae Man o Lalaki
Illustration by Justine Patrice Bacareza
“Mahina ka lang. Hindi mo kaya ang ginagawa ng mga kalalakihan.”
Isa lang sa mga katagang panliliit sa mga kakayahan ng mga kababaihan. ‘Di man lahat subalit halos saanmang lupalop ng mundo ay tila pangalawa lang ang turing sa mga babae sa larangan ng pulitika, pangkabuhayan, karapatang panlipunan, pangkultural at iba pang aspeto ng pamumuhay. Samakatuwid, ang mga babae ay nagmumukhang isang taga-silbi, alipin na sunod- sunuran sa mga batas ng mga kalalakihan. Makaamang pamumuno o patriarkal na lipunan (patriarchal society) ang tawag sa ganitong sistema.
Isang sistemang pilit iwinawaksi magpasahanggang ngayon. Kung kaya’t patuloy pa rin ang pagsulong ng peminismo, isang kilusan at kaisipang naglalayong maitatag ang pantay-pantay na karapatan at oportunidad ng kahit sinuman ng walang pinipiling kasarian. Dahil dito ay mapapansin na sa mga nagdaang mga taon ang kakayahan ng mga babae. May mga babae nang botante at naluloklok bilang opisyal ng gobyerno. Mayroon na ring mga nagtagumpay bilang isang negosyante. Iilan na rin ang mga babaeng atletang lumalahok sa mga paligsahan na karaniwang mga lalaki lang ang nakakasali. Malaya na rin nilang gawin kahit ang trabaho na noon ay mga lalaki ang gumagawa kagaya ng pagwewelding, pagtsutsuper at iba pa.
Sadyang nakakatuwang isipin ang pag-usbong ng kilusang ito. Subalit habang ang ibang mga bansa ay itinatagayod pa rin ang laban patungo sa inaasam na pagkakapantay-pantay ng mga karapatan, may mga ibang parte rin sa mundo na tila’y baligtad. Kung may makaamang pamumuno, mayroon ding makainang pamumuno o matriarkal na lipunan (matriarchal society) na umiiral. Ito’y kabaligtaran ng naunang konsepto ng pamumuno. Ang mga kababaihan ay kinikilalang makapangyarihan.
Isa na dito ang tanyag na Mosuo, isang tribu sa timog-kanlurang bahagi ng Tsina kung saan ito ay itinuturing na Kaharian ng mga Kababaihan (Kingdom of Women). Ito ay dahil ang pamana ay ipinapasa sa angkan ng babae. Sa liping ito, walang kasalang nagaganap at malayang mamili ng kanyang mapapangasawa ang mga kababaihan. Tipikal sa mga lalaki ng Mosuo na hindi maging parte ng pagpapalaki ng kanilang mga anak. Walang tawagang “ama” sa mga kalalakihan dahil namamayani ang kapangyarihan ng mga kababaihan.
Ang mga Minangkabau ng Kanlurang Sumatra, Indonesia ay may pinakamalaking matrilinyal na lipunan sa buong mundo. Ang babae ay nagsisilbing ulo ng pamilya. Gayunpaman may papel pa rin ang mga kalalakihan sa pampulitikal at panrelihiyong sektor ng lipunan. Sila ay itinatalaga ng mga kababaihan doon bilang pinuno sa dalawang sektor na nabanggit. Sa kabilang banda, may karapatan din silang magpatalsik ng pwesto sa kung sinong lalaking pinunong ‘di nila maibigan. Kahit ang mga babae ay may mataas na posisyon sa kanilang pamamaraan at sistema, nagagawa pa nilang magdesisyon at magsangguni ng mga bagay-bagay sa mga kalalakihan. Isang mabigat na rason na ganoon nalang kalalim ang pagpapahalaga nila sa mga babae ay dahil naniniwala sila na ang isang babae ay tagapagpatuloy ng salinlahi ng mga Minangkabau.
Dalawa lamang ito sa ilang mga matriarkal na lipunan sa mundo. Hindi nalalayo ang kanilang pamamaraan ng pamumuhay at sistema ng herarkiya. Mas pinapahalagan nila ang esensya ng isang babae kumpara sa mga lalaki. Subalit ito’y katulad din ng patriarkal na lipunan — pinipigilan nito ang mga babae upang pumantay sa kalalakihan.
Higit pa rito, mahihinuha natin na ang mundong ating ginagalawan ay sadyang ‘di pantay. Ganito man ang kinalakihan nating kaugalian ngunit may pamimilian tayo — maari tayong gumawa ng bagay na sa tingin natin ay makakaangat sa atin sarili at sa ibang tao. Hindi dahil lalaki ka ay nililimitahan mo ang sarili mo sa mga “panlalaking” gawain at hindi dahil babae ka ay hindi ka na gagawa ng “pambabaeng” gawain. Lakasan lang natin ang ating loob at tiyak walang sinuman ang makakapigil sa ating nais makamtan sa buhay, babae man o lalaki.

