Buong Mundo ay Napa-zumba Na!
“Right, Right, Left, Left, Shake and Down. One more time – Right, Right, Left, Left, Shake and Down.”- sambit ng Dance Instructor na si Marissa Abadilla kasabay sa tugtuging Timber na pinasikat ni Pitbull ft. KeSha sa isang Zumba Dance Class sa Cebu City Sports Complex (CCSC) na ginaganap araw-araw tuwing alas 5:45 ng hapon hanggang alas 7:20 ng gabi.
Marami ang dumagsa sa naturang aktibidad. Mapa-bata man o matanda, may lovelife man o single, mataba man o payat, estudyante man o propesyonal, babae man o lalaki ay in-na-in sa pagsunod ng mga dance steps na itinuturo ng mga Zumba Dance Instructor.
Bago pa man tinangkilik ang Zumba lalong- lalo na ng mga taong gustong sumabay sa ritmo ng kanta, ang ganitong klase ng sayaw ay may orihinasyon din at literatura.
Ang Zumba ay isang programang pangkalusugang-sayaw na ginawa ng Columbian na mananayaw at tagapagturo na si Alberto “Beto” Perez noong 1990. Ito ay may dalawang element: sayaw at aerobik. Ang Zumba ay hango sa iba’t-ibang sayaw tulad ng hiphop, soca, samba, salsa, martial arts, merengue, cumbia, reggaeton, chachacha, flamenco, tango, axe, squats at lunges. Nagmula ang sayaw na Zumba noong 1990 nang nakalimutan ni Beto Perez ang kanyang tape na ang laman ay mga kantang aerobiks, para sa klase na kanyang tinuturuan. Pumunta siya sa kanyang kotse at nakinig sa kanta na gawa sa tradisyonal na salsa at merengue. Gumawa siya ng pansamantalang paraan gamit ang di-tradisyonal na musikang pang-aerobiks para sa kanyang klase. Pagkatapos nang kanyang pamamayagpag sa pagtuturo sa Colombia ay pumunta siya sa United States noong 2001 at doon nakipagtulungan siya kay Alberto Perlman at ang kanyang kababata na si Albert Aghion. Gumawa silang tatlo ng kakaibang sayaw na naglalayong maalagaan ang kalusugan. Nang nalaman ang konsepto ng sayaw, binigyan ito ng lisensya ng kompanyang Fitness Quest na naghikayat sa lahat ng tao na mag-Zumba at ang gumawa rin ng home video ng Zumba.
May walong klase ng Zumba na angkop sa edad at lakas ng isang tao. Ang Zumba Gold ay para sa matatanda o may-edad. Ang musika nito ay kapareho ng Zumba fitness party class na angkop para sa kanilang edad. Ang Zumba Toning naman ay para sa mga tao na gumagawa ng mga workout na may toning stick at target nito ang iba’t-ibang parte ng katawang tulad ng abs, baywang, kamay, at iba pang parte ng katawan. Ang Aqua Zumba naman ay isang klase ng Zumba na ginagawa sa isang swimming pool habang nakababad ang katawan ng tao at sasayaw siya kasabay ng musikang pang-aerobiks. Zumba in the circuit naman ay isang sayaw na may kasamang circuit na pag-eensayo. Zumbakids naman ay isang klase ng Zumba na denisenyo para sa mga bata na may edad na apat na taon hanggang labing dalawa. Zumba Gold-toning naman ay isang toning na klase na para sa mga matatanda. Ang layunin nito magkaroon ng malusog na pangangatawan, magandang tindig, sapat na lakas at koordinasyon nang katawan. Zumba Sentao naman ay isang workout na ginagamit ay isang upuan. Nakasentro nito ay ang timbang para sa lakas at ang hubog ng katawan. Ang huli ay ang Zumba fitness class na ginawa ni Dance Instructor Marissa Abadilla sa Cebu City Sports Complex (CCSC). Ayon sa kanya ang Zumba ay isang ehersisyo kung saan ang musikang ginagamit ay kombinasyon nang mabilis at mabagal kung saan ang tatag ng isang tao ay sinusukat. Ito ay nakakatulong na mapalakas ang katawan at magkaroon ng malusog na pangangatawan.
“Ang ibig sabihin nito ay mababawasan ang pagiging mataba at sakitin dahil sinusunog nito ang taba at pinapaganda ang daloy ng dugo sa lahat nang parte ng katawan. Napakahalaga sa atin ang magkaroon ng malusog na pangangatawan lalong-lalo na sa panahon ngayon na maraming gastusin kaya bawal ang magkasakit, sa halip sa sampung piso lang ay maiiwasan na ang pagiging masakitin sa tulong ng Zumba Dance Class. Hindi lamang sa kumakain tayo ng masusustansyang pagkain ay kailangan pa rin natin na mag-ehersisyo. Napakamura na ang Zumba Dance Class kaya ano pa ang hinihintay ninyo mag-Zumba na,” dagdag ni Marissa Abadilla, ang Dance Instructor ng Zumba Dance Class sa Cebu City Sports Complex (CCSC).
Maraming mga International Celebrities ang nahuhumaling na rin sa Zumba. Kilala sina Jennifer Lopez, Jackie Chan at Kristie Alley. Ang iba pang mga Celebrity na fan na ang Zumba ay sina Eva CaRue, Jennifer Love Hewitt, Natalie Portman, Emma Watson, Victoria Beckham, Halle Berry, Toni Braxtonb. Nicky Hilton, Shakira at Wyclef Jean.
Mapapansin natin na marami ng mga tao ang nagpakita ng interes sa Zumba kung saan karamihan sa kanila ay ginagawa nila itong libangan. Mula sa trabaho ay sa halip patungong bahay ay pumupunta agad sila sa isang Zumba Dance Class. Marami na ring Zumba Dance Class ang nagsusulputan mapa-parking lot man o mall ay mayroon na ring Zumba Dance Class. Ang iba naman ay makikita sa iba’t-ibang gymnasium ng mga barangay. Ang iba rin ay ginagawa nila sa kanilang sariling bahay kung saan nagging panahon na rin ito ng isang pamilya na magsama-sama upang mapangalagaan ang kanilang kalusugan at mapatibay ang kanilang samahan bilang isang pamilya.
Mahigit 14 milyong katao na ang nag-Zuzumba araw-araw at mayroon na ring 140,000 na Zumba location sa 185 na bansa ayon sa isang sarbey. Ang ibig sabihin nito ay ang buong mundo ay napa-Zumba na!

