Plaza Cuartel: Ang Nakukubling Salamin ng Nakalipas
Image source: http://www.bidtraveler.com/images/frontImages/tours/tours_image/1383011589_plaza_cuartel_arch.jpg“
“A city in the forest,” “The Greenest city in the Philippines”- iilan lamang iyan sa mga bansag sa lungsod ng Puerto Princesa, lalawigan ng Palawan. Bukod sa pagiging kilala dahil sa taglay na kalinisan, ang nasabing lungsod ay naging mas tanyag pa mula nang maisama sa listahan ng Seven Wonders of Nature ang Puerto Princesa Subterranean River Park, o mas kilala sa tawag na Underground River. Simula noon ay umusbong na ang turismo sa Puerto Princesa, at maging sa buong isla ng Palawan. Subalit lingid sa kaalaman ng nakararami, ang lungsod ay sumasalamin din sa isang mahalagang pangyayari sa kasaysayan ng Pilipinas na naganap noong kasagsagan ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig.
Ilang hakbang lamang mula sa Puerto Princesa Cathedral na nahihimlay sa barangay Liwanag ay matatagpuan ang isang liwasang-bayan na kung tawagin ay Plaza Cuartel. Simple sa paningin, tiyak na hindi mo aakalaing isa pala itong piping-saksi sa karumaldumal na kaganapan sa ating kasaysayan. Ang nasabing liwasan ay nauna nang naging kuta ng Espanya bago pa man ito mapasakamay ng mga Amerikano, subalit nang maganap ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig, inagaw naman ito ng mga Hapon na siyang huling nagkuta rito. Kasama ng mga Amerikanong bihag na nagsilbing mga manggagawa sa pagbuo ng kanilang paliparan, sa Plaza Cuartel nanuluyan ang hukbo ng mga Hapon. Sa mga huling bahagi ng taong 1944, nagsimula ang pananalakay at pambobomba ng mga sundalong Amerikano sa isla ng Palawan bilang banta sa mga Hapon. Umaga ng Ika-14 ng Disyembre ng nasabing taon, muli na namang namataan ang dalawang eroplanong pandigma ng mga Amerikano na umiikot-ikot at mistulang pinaliligiran ang himpapawid ng Plaza Cuartel na sa mga panahong iyon ay hawak ng kanilang mga kaaway.
Dahil sa sunud-sunod na pagsalakay ng mga kalabang Amerikano at sa premonisyon ng nalalapit na nilang pagkalupig, ay hindi na napigilan ang nag-uumigting na poot ng mga Hapon. Tanghali ng araw ding iyon ay dali-daling inutusan ng mga ito ang mga Amerikanong bihag na pumasok sa mga tinatawag na “air-raid tunnel” o mga maliliit na kuweba na sadyang ginawa upang magsilbing proteksyon sa anumang pag-atake. Nang masiguradong nasa loob na ang mga ito, agad na sinunog ng mga Hapon ang nasabing mga kuweba na siyang nagsilbing impyerno para sa mga kaawa-awang bihag. Makailang-ulit ding binomba ng mga Hapon ang mga kuweba upang siguraduhin ang kamatayan ng mga Amerikano. Bawat bihag na mamataang lumabas mula rito, at bawat katawan na makikitaan pa ng buhay ay ginagamitan ng bayonete, binabaril, hinahambalos ng matitigas na kahoy, o pinupugutan ng ulo upang tuluyang mawalan ng hininga. Humigit-kumulang 150 bihag ang naitalang nilamon ng naglalagablab na apoy at binawian ng buhay. Inilagak ang kanilang mga labi sa St. Louis County sa isang panlahatang libingan sa Jefferson Barracks National Cemetery, Missouri sa Estados Unidos. Samantalang 11 naman ang himalang nakaligtas sa pamamagitan ng paglangoy sa dagat patungong Iwahig, isang lugar sa lungsod na ngayon ay kilala na bilang isang “Penal farm” o bilangguan. Ang mga nasabing nakaligtas din ang nagsalaysay ng karumaldumal nilang mga karanasan na sinapit sa kamay ng mga Hapon.
Matapos ang digmaan ay pinangalagaan ng gobyerno ng Puerto Princesa ang Plaza Cuartel na siyang nagsilbing alaala ng pangyayari na ngayon ay mas kilala na bilang “Palawan Massacre”. Sa kasalukuyan, matatagpuan dito ang isang monumento kung saan nakaukit ang pangalan ng mga sundalong Amerikanong nakaligtas sa kalupitan ng mga Hapon. Inukit din dito ang isang salaysay tungkol sa pangyayari, kalakip ang mga pangalan ng mga sundalong nagbuwis ng kanilang buhay. Isang atraksyon din sa lugar ang tansong estatwang nagpapakita ng paghihirap ng wari’y nakagapos na tao habang nilalamon ng apoy na nagmumula sa kanyang mga paa. Samantala, kung nagtataka kayo kung ano na ang hitsura ng loob ng mga kuweba kung saan sinunog ang mga sundalo, iyan pa rin marahil ang nananatiling pinamalaking misteryo. Ikinandado sa likod ng mga rehas ang nasabing mga kuweba, at magpahanggang ngayon ay hindi pa rin pinahihintulutan ang sinuman na makapasok sa ni isa sa mga ito.
Isa nang sikat na atraksyon sa mga mandarayo ang Plaza Cuartel sa kasalukuyan. Pinapasyalan nila ito hindi lamang para usisain ang pagiging parte nito ng kasaysayan, kundi para na rin madama ang pagiging malapit sa kalikasan. Hindi nga naman maikakaila ang kapayapaang madarama sa lugar na ito. Ang mga dahong wari’y nangungusap sa hangin, ang huni ng mga ibon, at ang paghampas ng mga alon sa iisang kanlungan. Bilang isang Palawenio, makailang-ulit na rin akong nagawi sa Plaza, nasaksihan ko ang tunay na pagmamangha sa mga mata ng iilan, ang kanilang pananabik sa kasaysayan. Datapwa’t sa kabilang banda, hindi mawawala ang aking pangamba lalo’t higit sa mga bagong kabataang tila ba’y nalimutan na ang tunay na kabuluhan ng pook. Ang maling pagtatapon ng basura, ang mga magkasintahang wari’y mga ahas kung makapaglingkisan, at ang umano’y mga “milagrong” nagaganap dito sa pagsapit ng dilim. Marahil ang mga kaganapan sa nakalipas ay naibaon na sa limot, subalit ang respeto o paggalang ay hindi sana mawawaglit sa ating isipan. Paggalang sa mismong pook, pagpipitag sa mga nagbuwis ng buhay, o kahit ang pagbibigay halaga na lamang sa ating kasaysayan ay iilan sa mga gawi na magbibigay kabuluhan sa mga labi ng nakaraan. Hindi lamang ito pumapatungkol sa Plaza Cuartel ng Puerto Princesa, marapat lamang na ganoon din ang gagawin natin sa lahat ng makasaysayang pook ng bansa. Sapagkat bali-baliktarin mo man ang mundo, ang kasaysayan ang bumuo ng iyong pagka-Pilipino.


Ano ba ang pangalan ng kweba sa puerto princessa