Sipat ng Sabado de Gloria
Likas sa ating mga Pilipino ang pagsasagawa ng mga ritwal, mga pamamaraan o prosesong tinataguyod bilang paggunita sa ating tradisyon, relihiyon at kultura sa iba’t-ibang panahon, araw man o taon. Karamihan sa atin ay lantad sa mga paniniwala at paraan ng pananampalataya ng mga Katolikong Pilipino. Para sa kaalaman ng lahat, ang Pilipinas lamang ang nag-iisang bansa sa Timog-Silangang Asya na halatang karamihan sa mga tao ay Kristiyano.
Kabilang sa mga paraan ng pananampalataya at paniniwala ng mga Katoliko ay ang pagdarasal ng rosaryo, pagdalo ng misa kada Linggo, paggunita ng Advent, Pasko, Pentecost, Easter, at sa kasalukuyan, Kuwaresma.
Ang Kuwaresma ay nakapaloob sa 40 araw na pag-aabstinensya at pagpepenitensya na karaniwang nagsisimula sa unang Miyerkules ng Marso at nagtatapos sa ikatlong Linggo ng Abril. Nakapaloob rin sa 40 araw na ito ang Semana Santa kung saan binabalik tanaw natin at ginugunita ang sakripisyo ni Hesukristo, ang pagluluksa sa kanyang kamatayan, at ang paggalak sa kanyang muling pagkabuhay na nagsisimula sa gabi ng Sabado de Gloria.
Ang Sabado de Gloria ay isang simbolo ng pagluluksa dahil ito ang araw pagkatapos ng pagpako at pagkamatay ni Hesukristo sa krus at ang araw bago ang Pasko ng Pagkabuhay. Ang Sabado de Gloria, o mas kilala bilang “Black Saturday”, ay ang paggunita sa araw kung saan ang katawan ni Hesukristo ay inilatag sa Simbahan ng Banal na Sepulcro na dati ay mas kilala bilang “Golgotha” o ‘lugar ng mga bungo’. Ito ay matatagpuan ngayon saChristian Quarters sa napaderan na dating lungsod ng Jerusalem.
Sa Simbahan ng Katoliko Romano, ang basilica ay nananatiling ganap na lantad ( pero dapat ito ay baklas na lantad lamang simula ng Huwebes Santo), ngunit ang namamahala sa mga sakramentong ito ay limitado.
Ang Komunyon pagkatapos ng misa sa Biyernes Santo ay maibibigay lamang bilang Byatiko para sa mamamatay. Ang Byatiko ay salitang ginagamit sa Eukarista na maaaring itakda wala o meron mang Pagpapahid ng Banal na Langis sa may Sakit o ang “Anointing of the Sick” na seremonya, kabilang sa mga huling rito para sa taong mamamatay na. Ang Binyag, Pagpepenitensya, at ang Pagpapahid ng Maysakit ay maaaring ibigay sa kung sino mang mamamatay dahil kailangan nila ito para sa kanilang tiyak na pagkatubos.
Sa Semana Santa, ang bilang ng mga misa at mga kaukulang hakbangin ay limitado. Ang salitang Gloria ay kinakaltas, at ang Alleluia, pati na rin ang Kiss of Peace o ‘beso-beso’ pagkatapos ng Agnus Dei o “Kordero ng Diyos” ay tinatanggal rin. Walang misa ang magaganap sa normal na liturhiya sa araw na ito bagamat maaaring mag-misa sa Biyernes Santo at Sabado de Gloria para sa labis na taimtim o taos pusong sitwasyon kasama ang pahintulot na galing sa Vatican o lokal na obispo.
Ang Sabado de Gloria ay tumatagal hanggang alas-6 ng dapit-hapon, at pagkatapos ay ibunubunyi ang Easter Vigil, tanda ng opisyal na pagsisimula ng panahon ng Pasko ng Pagkabuhay. Ang Pagpupuyat para sa Pasko ng Pagkabuhay ay dapat maganap sa gabi, magsimula pagkatapos ng takipsilim at matapos bago mag-madaling araw.
Kasama sa mga paniniwalang naisaad sa pag-obserba ng Sabado de Gloria ay ang hindi pagligo sa araw ng pagkamatay ng Diyos sa paniniwalang hindi mahuhugasan o maisasalba ang mga kasalanang nagawa sa araw na ito sa paraan ng pagligo sapagkat patay ang Diyos. Ang pagkain ng karneng baboy, baka at manok ay ipinagbabawal din hindi lamang sa Semana Santa, pati na rin sa mga Biyernes ng Kuwaresma, sapagkat maituturing itong penitensya at pagdidisiplina sa sarili mula sa maluluhong gawain. Isa rin itong paraan para tularan si Hesukristo hindi lamang sa kanyang disiplina kundi pati na rin sa matatag na espeiritwalidad.
Iba’t- ibang paraan ng pagpepenitensya ang ipinapamalas ng mga Katolikong Pilipino sa paniniwalang mapapatawad ang bawat kasalanang nagawa nila na malaon ng nakamit. Pangungumpisal naman ang pinaniniwalaan ng iba na maaaring tubos sa kanilang mga nagawang pagkakamali. Karaniwan, makokonsiderang nakasanayan nang gawi na ng mga Pilipino ang paggunita ng Kuwaresma kasali na ang mga ugaling hindi maitatangging nawawalan na ng saysay at kahulugan sa paglipas ng panahon dahil isinasagawa lamang sa panahon ng Kuwaresma at malubha pa ay hindi binibigyan ng diwa.
Hindi maikakaila ang hindi matatawarang pananalig na ipinapamalas na debosyon ng iilang debotong Katoliko tuwing Kuwaresma. Matinding pagpepenitensya ang kanilang ginagawa sa mga paraang tulad ng paghampas o paghagupit sa sarili ng panlugas o flail na nauuwi paminsang madugo at malalalim na sugat, ang pagpasan ng krus sa 14 na istasyon sa gitna ng init ng araw at sa kabila ng mga palong inaabot mula sa mga gumaganap na guwardiya Romano sa daan ni Hesukristo, at ang mga taimtim na panalangin ng pagsisisi at paghingi ng patawad sa mga pagkakasalang nakamit.
Ngunit sa kabila ng lahat ng ito, nangigibabaw pa rin ang katunayan na mananatili na lamang ang mga paraan ng pananampalatayang ito na kinagisnang gawi tuwing Kuwaresma hanggang sa lubusang maintindihan at maisapuso ang mga prinsipyo at karunungan na itinuro ng Diyos. Muli’t-muling tandaan natin na hindi matutumbasan ng kahit na anumang penitensya, taos- puso man o hindi, ang sakripisyong inilaan ni Hesukristo para sa sangkatauhan.
Ang Sabado de Gloria ay ang araw marahil na pinaka- kritikal sa isang Katolikong Pilipino sapagkat sa araw na ito isinasaalang-alang na patay ang Diyos. Datapwat, sa yugtong ito ma-susubukan at malalaman ang tunay na hangganan at katatagan ng pananampalataya at pananalig sa Diyos.

