Puti at Ginto
Photo by Gifthir Lemuel Elmido
Matingkad ang mga alaala at bakas pa ang hitsura ng lumang silid. Malinaw na malinaw maging ang amoy ng kandila at amoy ng katreng isa’t kalahating dekada nang hindi man lamang nadadapatan ng walis. Nakakandado na ang kwarto, at nabura na ang lahat ng mayroon ito sa kasalukuyan, subalit sa tuwing ipipikit ko ang mga mata at maaalala ka, parang bago pa rin ang lahat.
“Aba Ginoong Maria, napupuno ka ng grasya.
Ang Panginoong Diyos ay sumasaiyo.”
Magdarasal ka gamit ang rosaryo tuwing sasapit ang alas sais ng gabi, malakas na malakas, walang palya at memoryang memorya. Bibigkasin mo ang mga dasal habang nakatingala at nakatututok ang mata sa imahe ng Birheng Maria na malumanay na nakatayo sa ibabaw ng aparador. Nakaharap ka sa salamin. Uupo ako sa tabi mo, pagmamasdan ang palibot ng iyong silid at mapapako ang tingin sa imahe, mahihintatakutan at iiwas ng tanaw, titingnan ang sarili ko sa salamin at sasabihin habang nakatitig dito, “Hindi ko kilala kung sino ang nakikita ko.” Subalit kilala kita.
“Bukod kang pinagpala sa babaeng lahat.
At pinagpala naman ang iyong anak na si Hesus”
Kumikislap kislap ang bumbilya, nakikipagsabayan sa pagdarasal mo ang malakas na huni ng mga kuliglig at nakatitig pa rin ako sa salamin. Malamig ang sementong sahig subalit hindi mo ito alintana dahil ika mo naman ay makapal ang kalyo mo sa paa. Mapapansin ko ang piraso ng pulang telang nakatali sa kaliwa mong binti at tatanungin kita kung para saan iyon.
“Para hindi makatakas ang paa ko,” sagot mo.
Malalim akong mag-iisip kung bakit at paanong makakatakas ang binti mula sa ‘yo gayong nakakalakad ka naman nang maayos sa kabila ng pagiging kuba. Tatanungin ulit kita. Pero hindi ka na sasagot. Tatahimik ang paligid at hindi ko na maririnig ang walang palya mong pagbigkas ng Aba Ginoong Maria sa kabila ng pagbuka ng bibig mo at minsanang pagtungo at pagtingala. Pansamantala kitang panonoorin at sasabihin sa ‘yo, “Hindi na kita marinig, Ina.” Magpapatuloy ka na parang hindi mo nais na magambala ka sa pagdarasal.
“Santa Maria, ina ng Diyos.”
Muli kong pagmamasdan ang imahe at bibilangin kung ilang rosaryo at alahas ang nakasabit sa kanyang leeg. Isa, dalawa, tatlo, apat, lima at mawawala ako sa bilang dahil mapapagtanto ko na maging ang sarili kong tinig ay hindi na lumalabas. Susubukan kong sumigaw subalit katulad ng pangangahas ko na kausapin ka, mabibigo ako. Mananatiling nakatitig sa akin ang mga mata ng imahe habang nagpupumilit akong magsalita, waring nangungutya sa makailang ulit kong pagtatangka na humingi ng saklolo. Lilibutin ko ang buong silid, marahang maglalakad hanggang sa bibilis nang bibilis. Parang isang pelikulang pinaglalaruan ang imahinasyon ng manonood, aabutin lamang ng dalawang segundo ang isang paglibot at hindi ko mararamdaman ang paglapat ng mga paa ko sa sahig.
Lulutang ako nang paunti-unti subalit saglit na maaantala dahil ipapako mo ang atensyon sa akin, na sa wari ko ay nangangahulugang, “Makuha ka sa tingin.”
Magmamaktol ako sa kagustuhang makalipad at hindi mapapansin na sa wakas ay nakuha ko ang atensyon mo sa maikling sandali. Magpapagulong-gulong ako sa katre sa pagbabaka-sakaling pahintulutan mo akong lumipad. Mababangga ang ulo ko sa pader ngunit sa halip na tumigil ay hahampasin ko ito at mag-iiwan ako ng halos isang pulgadang biak.
“Ipanalangin mo kaming mga makasalanan”
Sandali akong kakalma, pipikit at pakikiramdaman ang paligid. Hihipuin ko ang iyong tuhod subalit mapapansin kong manhid pala ang mga kamay ko. Pati ikaw ay hindi makakaramdam. Mas lalong iigting ang ingay ng mga kuliglig, maririndi ako samantalang hindi ka matitinag sa malalim mong konsentrasyon.
Dadagundong ang langit at magbabadya ang pagbuhos ng ulan. Marahang tatawa ang imahe ng birhen habang mistula akong tanga na hindi kikibo ni hindi man lamang aaksyon ng pagtayo sa kabila ng katakot-takot na nasaksihan. Susubukan kong pagtagni-tagniin at suriin ang mga nagaganap subalit hindi ako makakapag-isip nang matino. Dadako ako sa isang sulok ng silid, sa tabi ng bintana kung saan matatanaw ang itim na langit na walang anumang bahid ng liwanag. Mananatiling takot subalit walang bakas ng pagkalito, maghihintay ako sa susunod na mangyayari.
Maya-maya pa, magsisipaglabasan at susugod ang sandamakmak na mga kuliglig. Pagmamasdan ko ang isang napakalaking kumpol na mabilis na lilipad patungo sa direksyon ng bintana. Papasok sila at isa-isang dadapo sa imahe hanggang sa pagpyestahan at balutin nila ito nang tuluyan. Panonoorin ko lamang ang lahat.
“Ngayon at kung kami’y mamamatay.
Amen.”
Nakapako pa rin ang tingin ko sa nakakandadong pintuan, iniisip kung may katotohanan ba sa mga alaalang malaya kong nahahalungkat. Hindi ko na nasaksihan ang iyong pagkawala. Madalang ako kung bumisita sa lumang bahay at kung minsan ay hindi ako nag-aatubiling magtanong kung bakit walang may nais gumamit sa naiwan mong silid. Ngunit wala ring may nais sumagot sa tanong ko.
Kinapa-kapa ko ang dalang bag at binuksan ang isang kahon na naglalaman ng iningatan mong rosaryo. Nagulantang ako nang makita ang isang patay na kuliglig at aksidenteng naihagis ang kahon. Naguguluhan man ay ibinalik ko ang rosaryo sa pagkakatabi at sinipa papalayo ang insekto. Walang nakapansin sa nangyari dahil nagtatalo ang mga tao sa totoong kulay ng isang pirasong damit.
“White and gold!”
“Hindi! Black and blue!”
Dinapuan ko ng sulyap ang larawan ng damit at saka tumingala sa kawalan.

