Ilang Bayani Pa Ang Mamatay?
Photo by Christen Cacanog
Konting ulan lang ay babaha na naman ang mga daanan. Ang dating isang oras na pagko-commute ay dumoble nang dahil sa walang humpay na pagbubungkal ng mga kalsadang ‘di naman kailangang ayusin. Ang mga pulis na akala mong maaasahan sa paglutas ng mga krimen ay sila pang unang gumagawa ng katarantaduhan. Imbis na siguraduhin ang kapakanan ng mga mamayan ay mas binabantayan pa ang mga tulisan. ‘Di mo na nga mapagkakailang pataas ng pataas ang porsyento ng krimen sa buong kapuluan.
Gayundin, ang mga politiko’y puro lang pangako, palagi naming napapako. Sila pa naman ang inaasahan ng madla na magbibigay kaunlaran sa bayan subalit sila pa ang dahilan kung bakit patuloy na naghihirap ang kanilang nasasakupan. Buhat nito, hindi na nakapagtataka na ang mga mayayaman ay patuloy pang yumamayan habang ang mga mahihirap ay patuloy na nagtitiis sa kahirapan.
Higit pa rito, mayroong mga batas na sadyang ginawa raw para magbigay tulong pinansyal sa mga mas nangangailangan, pero naaabot ba ito sa tamang pinag-aabutan? Hindi ba ito binubulsa sa mga may akda ng batas? Napakasaklap kung iisipin na ginagawang pabrika ng pera ang mga manggagawang Pilipino habang sila ay nagpapakasarap sa kanilang malamig na opisina.
Kaya naman sa mga nakapanlulumong kaganapan nito sa ating bansa, ‘di maiiwasang mabahiran tayo ng masamang impresyon mula sa mga dayuhan. Kawawang-kawawa tayo. Kahit ito ay hindi kailanmang ginawa natin, sa mata ng mapanghusgang mundo tayo ay magnanakaw, kriminal, bayaran at kung anu-ano pang mga mapanglait na puna.
Totoo, nakakahiya, nakakapikon, masakit at nakakainis na marinig ang mga paratang na ito ngunit labag man sa ating mga kalooban ay dapat tanggapin nalang natin ang totoo. Nandiyan na ‘yan. Kahit sa ngayon ay patuloy pa rin ang matinding trapiko, pagmahal ng presyo ng mga bilihin, pagkaltas ng sweldo buhat ng buwis, pagnanakaw at paghihilahan pababa ng mga utak-talangka na gustong umangat sa iba. Nanatili pa rin ito.
Ito’y napakalungot na isipin subalit may magagawa tayo. Mahalin natin ang ating bansa. Hindi dahil nakasaad ito sa isang pahina sa libro nating sa Hekasi o sa Konsitusyon ng bansa natin. Hindi rin dahil nakikisali lang tayo sa mga kaibigan o kapamilya. Mahalin nating ang ating bansa dahil tayo ay isang Pilipino. Pinanganak tayong may tungkulin sa bayan at hindi sa pansarili lamang. Marami man tayong maling nagawa bilang isang lahi. Hindi man mabilang kung ilang beses tayong minaliit ngunit matuto tayo sa mali ng kahapon at itama ito ngayon.
Malaya tayong mamili kung saan nating gustong dumako ang ating barko. Hindi naman sa lahat ng panahon ay nakatuon tayo sa negatibong aspeto ng bansa natin. Sa huli, tayo pa rin ang nagpapaikot sa mundo natin; ang tagumpay natin ay tagumpay na rin ng ating bansa. Kahit itakwil pa natin ang kurap at makasariling bayan na ito, darating pa rin ang panahon na babalik at babalik pa rin tayo sa ating lupang sinilangan. Tulad ng nabanggit sa itaas, ipinanganak tayong may tungkulin sa bayan at hindi sa pansarili lamang.
Ilang bayani pa bang kailangang mag-alay ng kanilang buhay para sa pagbabago?

