Maligayang Kaarawan
Illustration by Ramon Kristoffer Tiu
“Pagod na ako, ‘nak. Gusto ko nang magpahinga”
araw-araw, gabi-gabi, nakakawala na ng gana
Ito ang parati kong naririnig nung bata pa ako
“Gagawan ko ng paraan ‘nay, pangako”
natatandaan ko dati, napakahirap noon
wala paring pagbabago hanggang ngayon
kasali na rin doon si inay at ang kanyang tanging linya
“Pagod na ako, ‘nak. Gusto ko nang magpahinga”
Hirap na hirap na siyang maglakad
Tila sa sitwasyon na ito wala talagang pag-unlad
Si itay may kasamang iba, si ate at kuya mukhang nakalimutan na nila
Wala akong magagawa, ako na lang ang natira
Sa liit ng kita ko, di siya sapat para pambili ng gamot
Sa aking mga karaniwang gawain, ako’y unti-unting nayayamot
Iniisip ko kung anong malas ang ibinuhos sa akin
Ano bang kasalanan ko at akoy pahihirapin
Minsan iniisip kong mas mabuti kung wala akong ibang ginagasto
Mas konti ang aking problema. ako ang sarili kong amo
Pero andyan si inay, di ko siya pwedeng iwanan
Lalo na’t ngayon ay bisperas ng kanyang kaarawan
Gabi na ako nakauwi ngayong araw.
Naglakad lang ako galing sa trabaho, ang dami kasi akong idinalaw
Dumaan ako sa kwarto ni inay, mahimbing siya na natutulog
At sa sandaling iyon, parang bigla ako naging kalog
‘Nay, mas maganda ka pala kapag nakabalot ka sa pula
Bagay pala siya sa kintab ng iyong mga mata
Napangiti ako.
“wala na akong problema, ‘nay”
Habang hinuhugasan ko ang kutsilyo at ang aking kamay
Makakapagpahinga ka na ‘nay, tapos na ang pagdurusa
Di ka na magrereklamo. Di ka na mag alala
Kay tagal ko nang hinintay na sabihin sa iyo na:
“Pagod na ako, ‘nay. Pwede ka nang magpahinga”

