Mga Makabagong Bayani
Editorial cartoon by Geralden Morre
Sina Andres Bonifacio, Dr. Jose Rizal at Apolinario Mabini ay ilan lamang sa mga kilalang bayani ng ating bansa na nagbuwis ng kani-kanilang mga buhay upang makamit ang minimithing kalayaan para sa bayan mula sa malulupit na kamay ng mga dayuhang mananakop subalit, ito’y lumipas na.
Nagbago na ang ating pamantayan at pananaw patungkol sa paksa ng kabayanihan sa kasalukuyang panahon. Hindi lang pagbubuwis-buhay ang tanging batayan, kundi pati na rin ang paghahanap-buhay sa ibang bansa.
Overseas Filipino Workers (OFWs) ang tawag sa mga mala-bayani nating mga kababayan na nangingibang bansa upang makipagsapalaran, makahanap lang ng trabahong magpagkakakitaan. Dati ay mas kilala sila sa tawag na Overseas Contractual Workers sa kadahilanang hindi permanente ang kanilang pagtatrabaho.
May isang kontrata silang pinipirmahan kung saan sa loob lamang ng dalawa o tatlong taon, makakapagtrabaho at ang pagkupas naman nito’y nangangahulugan ng pagpirma ng bagong kontrata upang makapagpatuloy.
Sa kabilang banda, ayon sa nakalap na datos ng National Statistics Office (NSO), may 2.3 milyong OFW ang nagtatrabaho sa abroad mula Abril hanggang Setyembre 2014. Ito ay tumaas ng mahigit-kumulang 100,00 na OFW mula 2013 na may 2.2 milyong bilang ng mga OFW. Karamihan sa kanila ay mga laborers at unskilled workers na may 32.8 porsiyento sa kabuuang bilang.
Kung iisipin, talagang patuloy na aakyat ang dami ng mga Pilipinong makikipagsapalaran sa ibang bansa sa darating pang mga taon. Kabilang sa mga ugat nito ay ang kagustuhan nilang kumita ng mas malaking sahod upang matustusan ang pangangailangan ng kanilang mga pamilya at kahit papaano’y makaraos sa kahirapan ng buhay.
Sa umiiral naman na sistema ng ating bansa kung saan ang mga mahihirap ay mas naghihirap at ang mga mayayaman ay patuloy na yumayaman, ano pa ba ang ating aasahan? Tiyak, marami ang aalis ng bayan upang maglako ng kanilang mga serbisyo at makasahod ng malaki-laki. Dahil nito, hindi natin masisisi ang ating mga kababayan sa kanilang desisyong magsilbi sa ibayong dagat.
Siguro, may iilan na magsasabing makasarili at hindi makabayan ang mga OFW dahil sila ang nakakabawas ng lakas-tao ng bansa, ngunit sa katotohanan, napakalaking halaga ng pera ang natatanggap ng ating pamahalaan taon-taon dahil sa kanila. Halos 30 milyong USD ang naipapadala sa ating bansa. Ayon pa nga sa NSO, mula Abril hanggang Setyembre 2014 may tinatayang 173.2 bilyong PHP ang na-remit sa bansa o mahigit kumulang 38 libong PHP remittance kada isang OFW. Hindi ba’t sadyang mahalaga ang kontribusyon ng mga makabago nating bayani sa paglago ng ekonomiya? Sila ay nagiging sandigan ng ating pamahalaan upang panatilihing nakatayo ang Pilipinas sa kabila ng kaliwa’t kanang krisis.
Sambit naman ng iba, masarap at maaliwalas ang buhay abroad— parang turistang namamasyal habang kumikita ng malaking sweldo. Gayunman, ito’y pawang mababaw na pag-unawa lamang sapagkat sa bawat remittance na naipapadala sa ating bansa ay kapalit ng hindi-birong sakripisyo ng mga OFW. Ang iba’y nagpipigil gumastos para lang makatipid sa pang araw-araw na pamumuhay doon at makaipon, mapuno lang ang Balikbayan box na ipapadala sa kanilang naiwang mga mahal sa buhay sa Pilipinas. Ang ilan nga ay hindi nakakauwi ng basta-basta dahil ang nakasaad sa kontrata ay sa isang buwan lang at sa isang taon pa sila makakapagbakasyon. Ilang buwan o taon nila tinitiias ang pangugulila sa pamilya at itinutuon na lamang sa pagtatrabaho ang atensyon. Mag-isa nilang hinaharap ang mga problemang pantrabaho at pansarili dahil wala naman silang pamilyang mag-aaruga sa kanila. Tanging boses o kaya video chat lang ng kanilang mahal sa buhay ang nakakapawi sa kanilang lungkot na iniinda. Kailangan din nilang makibagay sa kulturang dayuhanna salungat sa kanilang nakagisnang pamumuhay.
Bukod sa lahat ng hirap na dinaranas ng mga OFW na nabanggit na, ang pinakamalala ay ang pagkawatak-watak ng ilang mga pamilya, diskriminasyon, kalupitan at karahasan ng mga employer tulad ng di-sapat na pagsasahod, hindi pagbigay ng napagkasunduang benepisyo, pambubogbog, panggagahasa at kamatayan.
Sa isang dako ng kwentong ito, nakakalungkot isipin na hindi masyadong pinagtutuunan ng pansin ng ating pamahalaan ang mga hinaing ng ating mga kababayang OFW. Isang halimbawa nito ay ang kaso ni Mary Jane Veloso kung saan siya’y napagbintangang nagpuslit ng droga sa bansang Indonesia matapos makitaan ng 2.6 kilo ng heroin sa kanyang bagahe noong 2010, at sa taon ding ‘yon ay pinatawan siya ng death penalty.
Sa timeline na inilabas ng Migrante International na base sa mga sinumpaang salaysay ng ina, ama at kapatid ni Mary Jane, isa sa mga rebelasyon doon ay ang kapabayaan ng ating gobyerno— huli na nang imbestigahan nila ang itinuturong recruiter at trafficker ni Mary Jane na si Kristian “Tintin” Sergio na sana’y isinagawa na noon pang 2011 bago ang pagpataw sa unang petisyon para sa judicial review. Nang ibinasura ng Indonesian Supreme Court noong Marso 25, 2015, saka pa nag-atubiling kumilos ang ating gobyerno para maisalba si Mary Jane sa pagkakabitay limang taon matapos siya mahatulan.
Sa ngayon, suspendido ang pagbitay ni Mary Jane hangga’t matapos ang lahat ng paglilitis sa Pilipinas.
Isa lang ito sa marami pang kasong krimen na kinasasangkutan ng mga OFW sa ibang bansa nangangailangan ng matinding suportang-legal mula sa pamahalaan. Sana ay sa ganitong paraan natin maipamalas ang malasakit natin sa ating makabagong mga bayani. Hindi man sila kagaya nina Rizal, Bonifacio, del Pilar at iba pang mga bayani sa ating kasaysayan ngunit iisa lang ang kanilang hinahangad — kalayaan mula sa kahirapan.
Gayunpaman, mas mainam pa ring paigtingin ng gobyerno ang pagpapaunlad ng ating bansa nang sa gayon ay hindi na mapipilitang lumayo si Juan, mapakain lang at mapag-aral ang kanyang mga anak.

It really helps with my assignments! Thanks a lot !
me to its really helps my assignments at ccc