Nagsasanggalang Na Pader
Photo by: Angelo Nico Daroy
Intramuros: Noon at Ngayon
Sa kaytagal nang panahon, marami nang Pilipino ang nakalimot sa mga imprastrakturang ipinatayo noong dumating ang mga Espanyol sa bansa. Hindi maitatatwa ang pagkalimot buhat nang iba’t-ibang kadahilanan.
Sa hinaba-haba naman ng kasaysayan ng Pilipinas, ay gayundin kahaba ang nakaraan ng mga lugar na ipinatayo dito. Isa sa mga ito ay ang pader na lungsod o mas kilala bilang Intramuros. Ang Intramuros ay matatagpuan sa bahaging timog ng ilog Pasig at ang pinakamatandang distrito ng kalakhang Maynila. Ang multi-aspetong pader ay ipinatayo noong ika-16 siglo ng mga Espanyol upang maging panangga mula sa mga dayuhang gustong sumakop sa bansa.
Sa kabilang panig, ang pangalang Intramuros ay hango sa mga salitang latin na Intra at Muros na literal na nangangahulugang ‘sa loob ng pader’. Gayon man ay inilalarawan ang lugar na napapalibutan ng makapal at matataas na pader na gawa sa adobe na pinagdikit-dikit gamit ang mga kamay ng tsino’t mga katutubong Pilipino.
Marahil dahil nga sa katagalan nang panahon ay iilan lang ang may alam kung ano ang mga nangyari sa lugar na ito, na hanggang ngayo’y nakatayo at binibisita pa rin ng mga turista’t dayuhan. Ang lugar ay naging saksi sa mga pangyayaring nagbuklod at nagbuwal sa ating bansa, na ngayon ay halos nalimot na ng panahon. Ngunit ano nga ba ang kwento ng Intramuros? Paano ito naging lugar ng pag-angat at pag-lubog ng maraming buhay, at ano na kaya ang kalagayan nito ngayon?
Noong kapanahunan ng mga Hispano, ang Intramuros ay lugar na ng kabihasnan. Ito ay pinangunguluhan ng tatlong mga lakan na sina Rajah Sulayman, Lakan dula at Rajah Matanda. Ang kinalalagyan ng Intramuros noon ay naging ideyal sa pakikipagkalakalan sa iba’t-ibang mga bansa sa dakong Asya, kabilang na sa Tsina, Borneo at Indonesia. Inilalarawan din dito ang tawag sa mga Pilipino noon na “taga-ilog” na ngayon ay mas kilala sa tawag na “Tagalog”.
Sa pagdating ng mga Espanyol, marami ang nagbago sa lugar. Ipinitayo ni Miguel Lopez de Legazpi ang Intramuros sa kasunduan nila ng noon ay hari ng Espanya na si Philip II. Ipinaalis ng gobernador-heneral na si Legazpi ang mga katutubong nanirahan doon at marami sa kanila ang nasawi sa labanan. Sa huli ay nagkasundo ang mga Rajah na isuko ang Maynila sa mga dayuhang mananakop. Ipinagpatuloy ang paggawa ng Intramuros at natapos ito noong 1606. Nagpatayo ang mga Espanyol ng mga simbahan, paaralan at mga establisimiento tulad ng Manila Cathedral at San Agustin Church, mga batikang paaralan tulad ng Universidad de Santo Tomas, Colegio de San Juan de Letran at Ateneo Municipal de Manila (na pinamumunuan ng mga paring Dominicano, Agustiniano, Franciscano at mga Hesuwita) at ang ilang mga lumang gusali na nilikha noong panahon pa ng Espanyol. Dahil nga sa kagandahan at tagumpay ng Intramuros ay naging sentro ito ng pulitika, militar at relihiyon ng rehimeng Espanyol sa bansa.
Sa loob din ng Intramuros matatagpuan ang Fort Santiago-ang lugar kung saan maraming Pilipino ang nakulong at namatay dahil sa pag-aalsa laban sa mga Espanyol. Ang kinalalagakan ng Fort Santiago ay ang dating kaharian ni Raja Sulayman at doon din nakulong si Dr. Jose Rizal. Makikita rin dito ang ilang bakas ng paa sa hinulmang manipis na bakal na nagsilbing alaala ng huling paglakad ni Rizal kung saan siya hinatulan ng kamatayan sa Bagumbayan.
Pagdating naman ng mga Amerikano sa bansa, ay isinuko ng mga Espanyol ang Intramuros sa mga ito. Marami ang nabago sa hitsura ng Intramuros ngunit nanatili pa rin ang bakas ng kahapong iniwan ng mga unang sumakop nito.
At, sa panahon ng pagsakop ng mga Hapon sa bansa noong ikalawang digmaang pandaigdig, ay halos mabura sa mapa ang Intramuros. Binomba ng mga nagliliparang eroplano ang buong lungsod at maraming mga gusali ang nawasak.
Noong panahon ding iyon naganap ang Labanan ng Pagpapalaya sa Maynila kung saan sinugod ang mga pader ng Intramuros sa pamamagitan ng magkasanib-pwersa ng mga Amerikano at Pilipinong sundalo, kabilang na ang mga kumilalang pangkat ng mga gerilya laban sa mga sundalong Hapones. Sa digmaan ding iyon ay maraming sundalo ang namatay at mahigit sa isandaang Pilipinong sibilyan ang nasawi.
Dahil sa malaking pagkasira ng Intramuros ay ipinaayos ito ni Gng. Imelda Marcos noong 1951. Maraming mga ordinansa at batas para sa proteksyon at pagpapapreserba ng Intramuros ang ginawa sa sumunod na mga taon, ngunit hindi ito naipasa dahil sa kakulangan ng pondo ng gobyerno.
Ngayon, ang Intramuros ay naging bahagi na ng pamumuhay ng mga pangkaraniwang tao. Ang noo’y magandang siyudad ay napapaligiran na ng mga basurang nagkakalat kung saan-saan. Sa may paanan ng ilog Pasig, marami na ring mga nakatirang iskuwater at mga pulubi. Sa panlilimos at pagbebenta ng samut-saring mga bagay naka depende ang mga taong nakatira rito. Ang mga pader naman na siyang sumisimbolo sa Intramuros ay napaglumaan na ng panahon at may bakas na ng bandalismo gawa ng mga kabataang nasa lansangan. Ang ibang parte nama’y hindi na naayos at paminsan-minsan ay ginigiba na lang upang makaiwas sa disgrasya.
Ngunit, nawa’y di natin kalimutan na sumasalamin ang lugar sa buhay ng bawat Pilipino, buhat ng ating paghihirap noon mula sa kamay ng mga kolonyalista, hanggang sa kasalukuyang paghihirap na dinaranas natin ngayon. Hindi maitatanggi na malayo na ang napagdaanan ng nasabing lugar, kaya nararapat na ito’y pahalagahan at mabigyang-pansin ang mga problemang nakapaloob dito. Hinihiling ng karamihan na maipagpatuloy sana ang pag-ayos ng mga nasirang bahagi ng makasaysayang lunan bago tuluyang maglaho ang iniwan nitong bakas ng nakalipas.
Ang kwento ng Intramuros ay kwento na rin ng buong lahing-Pilipino. Sabay itong bumagsak at bumangon sa mga pagsubok na hinarap ng ating bansa. Sa kasalukuyang panahon, naniniwala pa rin ang ilan sa atin na ang mga lugar na katulad ito, ay mga lagusan patungo sa ating nakaraan at himlayan pabalik sa ating kinagisnan.
Marahil para sa iba, wala nang puwang ang ganitong paniniwala. Nagbago na ang panahon, pati na ang ating kultura at tradisyon. Pero natatangi pa rin sa atin ang mga lugar na ito tulad na lamang ng Intramuros. Mga pader man ang bumabalot nito, hindi mabubura ang kaugnayan ng lugar sa ating pinanggalingan at pagiging parte nito sa ating makulay na kasaysayan.

